Pilipinas tanggal na sa listahan ng “deadliest countries” for media
Nabura na ang Pilipinas sa listahan ng top 5 na deadliest countries para sa mga media ngayong 2018.
Base sa annual report ng media freedom organization na Reporters Without Boarders, kabilang sa top 5 ang Afghanistan, Syria, Mexico, India at ang America.
Wala na ang Pilipinas na dati rati ay nasa listahan ng mga pinaka-delikadong lugar para sa mga mamamahayag.
Ayon kay Communications Sec. Martin Andanar, umaabot lamang sa tatlo ang naitalang mamamahayag na napaslang ngayong taon kung saan kabilang dito sina Joey Llana ng DWZR Radio sa Albay noong July 20; Dennis Denora ng Trends and Times mula sa Panabo city noong June 7 at Edmund Sestoso ng DYGB sa Dumaguete noong May 1.
Sinabi ng kalihim na malaking tulong ang binuong Presidential Task Force on Media Security ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Administrative Order 1.
Binigyang diin ni Andanar na magpapatuloy ang PCOO at ang pamahalaan sa pangangalaga sa kaligtasan ng mga mamamahayag sa bansa sa ngalan na rin ng Press freedom
Samantala, ayon naman sa PTFoMS, ang pagkakaalis sa Pilipinas sa top 5 deadliest countries ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng task force na matupad ang mandato nitong protektahan ang buhay, kalayaan at seguridad ng media workers.
Matatandaan na kauupo pa lamang ni Pangulong Duterte sa puwesto noong 2016 nang lagdaan nito ang Administrative Order number 1 para mabigyan ng proteksyon ang mga mamamahyag sa bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.