”Friday the 13th Paris Attack” – ‘Wag kang Pikon ni Jake Maderazo
Isang panibagong mukha ng world terrorism ang nakita natin sa pitong lugar sa Paris noong Trece de Viernes (Sabado sa Pilipinas ng umaga). Suicide bombings sa sports stadium, walang habas na pamamaril sa isang concert, sa isang bar, isang Cambodian restaurant, at sa mataong lugar ng mga turista. 129 patay, 300 sugatan at 80 ang serious, samantalang walong attackers (umano’y mga batang French nationals) ang napatay na ang pito dito ay sa pamamagitan ng sariling explosive belts. Diumano, tatlong “cells” mula Belgium ang nagsagawa ng “coordinated” at “multiple” na paglusob sa Paris.
Inamin ng Islamic Caliphate (ISIS), gupong binuo mula sa nagrebolusyong mga bansang Iraq at Syria, ang Paris attacks at sinabing ito ay “first of the storm”, o una pa lang sa darating pang bagyo sa Western countries. Nitong Oktubre , niyanig ng ISIS ang buong mundo sa pagbagsak ng isang Russian Metro jetliner na may sakay na 224 katao sa Sinai desert sa Egypt. Isang mensahe sa buong aviation industry at sa mga taong sumasakay ng eroplano na hindi tayo ligtas sa kanilang banta.
Kung susuriin, ang pag-atake ng ISIS sa France sa panahong ang buong gobyerno nito ay nasa “high alert, ay isang nakakarinding “wake-up call” sa mundo lalo na sa Pilipinas na magdaraos ngayon ng APEC summit 2015.
Tandaan natin na 22 world leaders ang dadalo rito kasama ang US, China, Japan, Australia, Canada atbp. Noong una, marami ang pumupuna kung bakit nagdesisyon ang Malakanyang na i-shutdown ang Metro Manila para lang sa seguridad ng mga bisita. Matapos ang Paris attacks, mukhang napabor ang sitwasyon at ngayon, naiintindihan ng taumbayan ang mga “security protocols”. Pero, kung ako ang tatanungin, dapat talaga ay sa Clark o Subic na lang ginanap ang APEC Summit. Katunayan, pupunta pa nga si Obama sa Subic para sumakay sa isang US Navy frigate na magpapatrulya sa South China Sea.
Sa ngayon, ang banta ng ISIS sa Pilipinas ay mula sa mga radikal na nagtutulak na magtayo ng “caliphate” sa Malaysia, Indonesia at Pilipinas. Ito’y hango sa dating grupong Jemaah Islamiyah” na nagpasabog sa Bali, Indonesia kung san higit 300 ang namatay. Ayon sa latest reports, merong mga Malaysian members ng ISIS ang narito sa Pilipinas at nakikipag-alyansa sa Abu Sayaff at mga rebeldeng Muslim factions upang maitayo ang kanilang “caliphate”.
Sa aking palagay, hindi mangyayari sa M.Manila o sa mga urban cities natin ang ginawang hiwa-hiwalay na pag-atake ng ISIS tulad sa Paris. Of course, nagawa nila ang Rizal Day bombing ng LRT1, ang pagsunog sa barkong Superferry at ilang pagsabog sa Mindanao. At marami sa kanila ang nahuli at napatay.
Pero, ang pinakadelikadong dapat bantayan ng husto ay itong mga airport natin at ang mga domestic at international flights. Hindi dapat malusutan ito ng mga bomba o ‘suicide bomber” kung meron man. Tigilan na yang tanim-bala at magtrabaho na.
Kung magpapasikat ang mga ISIS cells dito sa Southeast Asia, ang airlines ay isa lamang sa maraming “vulnerable targets”. Pero sa aking paniniwala, hindi matutuloy ang alinmang terorismo sa bansa , kung mananatiling “gising na gising ” tayong lahat na mga Pilipino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.