Mga APEC leaders hindi natinag sa Paris terror attack
Wala isa man sa mga economic leaders ang nagpasabi na sila ay hindi dadalo sa nakatakdang APEC summit sa susunod na linggo dahil sa naganap na terror attack sa Paris France.
Sa pahayag, sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesman Charles Jose na tiniyak ng National Security Cluster na ligtas ang mga paggaganapan ng pagpupulong pati na ang hotel na tutuluyan ng mga delegado.
Maliban kina Russian President Vladimir Putin, Indonesian President Joko Widodo at Taiwan leader Ma Ying-Jeor na nauna nang nagpasabi na hindi dadalo sa APEC meet, wala nang iba pang pangalan ang nadagdag sa kanila ayon sa DFA.
Kanina ay personal ding pinulong ni Pangulong Noynoy Aquino ang mga security officials kung saan ay kanilang tiniyak na magiging ligtas ang gagawing pagpupulong sa susunod na linggo.
Aminado naman ang pamunuan ng Philippine National Police na ang mga kilos-protesta ang siyang tiyak na magiging pangunahing problema sa APEC meeting pero nakahanda na raw ang kanilang mga tauhan sa bagay na ito.
Bukod sa 32,000 PNP personnel, katuwang din sa pagtiyak ng kaayusan ng pagtitipon ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Presidential Security Group (PSG).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.