DSWD nagpaalala na huwag magbigay ng limos lalo na ngayong Kapaskuhan
Muling nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na huwag magbigay ng limos sa mga street dwellers lalo na ngayong Kapaskuhan.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at Spokesperson Glenda Relova, tuwing Kapaskuhan kasi ay mas maraming katutubong Badjao at Aeta ang pumupunta ng Metro Manila para manlimos na ginagawa na nilang kabuhayan.
Naiintindihan anya ng kagawaran na tuwing Christmas season ay mas mapagbigay ang mga tao lalo’t panahon ito ng pagbibigayan.
Gayunman, ani Relova, magiging sanhi lamang ito upang maniwala ang mga nagpapalaboy na ayos lamang manghingi at magandang paraan ito upang kumita.
Giit ng opisyal, maraming paraan para makatulong sa mga mahihirap.
Ani Relova, maaaring mag-organisa ang publiko ng mga gift-giving events at outreach activities para sa mga palaboy.
Hinikayat din ng DSWD ang publiko na tumulong sa kagawaran, mga non-government organizations at iba pang charitable institutions sa mga programa nito para sa mga street dwellers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.