Blessed Sacrament ng isang simbahan sa Pasig ninakaw
Ipinag-utos ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara ang ‘Public Penance’ o pananalangin at pagbabayad-puri ng mga mananampalataya ng Sta. Clara de Montefalco Parish.
Ito ay matapos nakawin ang ‘Blessed Sacrament’ sa adoration chapel ng naturang simbahan noong Huwebes, December 6.
Sa isang decree na inilabas ni Bishop Vergara, kanyang ipinag-utos ang pagsasara sa Adoration Chapel ng simbahan mula noong Huwebes
Isinara na rin mismo ang buong simbahan kahapon, December 8 at tatagal hanggang sa Martes, December 11.
Lahat ng misa hanggang ngayong araw ay gagawin sa labas ng Simbahan at magbibigay din ng Katesismo tungkol sa Eukaristiya at ipaliliwanag ang nangyaring desecration sa Santissimo Sacramento.
Sa katuruan ng Simbahang Katolika ang paglapastangan sa Blessed Sacrament ay isang ‘grave sin’ o mortal na kasalanan.
Dadasalin din sa mga misa ang ‘Act of Reparation for Irreverence to the Eucharist’ bago ang Post-Communion Prayer.
Tatlong araw na magkakaroon ng Stations of the Cross sa paligid ng parokya na sinimulan na kahapon at magtatagal hanggang bukas, araw ng Lunes.
Itinakda naman ang ‘Day of Fasting and Penance’ bukas para sa pagsisisi sa nangyaring paglapastangan sa Blessed Sacrament.
Bubuksan muli sa publiko ang simbahan sa Martes kung saan aalisin ng obispo ang mga penitensya sa pagdiriwang ng Banal na Misa.
Isasagawa rin ang isang Eucharistic Procession patungo sa Adoration Chapel para sa muli nitong pagbubukas at muling paglalagay sa Blessed Sacrament.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.