Hustisya sa Duterte admin baluktot ayon kay Trillanes
Binatikos ni Senador Antonio Trillanes IV ang uri ng hustisya na mayroon ang administrasyong Duterte.
Ayon sa senador, ‘baluktot’ ang katarungan sa ilalim ng kasalukuyang gobyerno kung saan ang mga mandarambong ay nakalaya na habang ang mga kritiko ay ginagawan ng kaso para lamang makulong.
Ang pahayag na ito ng senador ay matapos ipag-utos ng Davao Regional Trial Court (RTC) Branch 54 ang pagpapaaresto sa kanya dahil sa kasong libel na isinampa ni dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at brother-in-law nito na si Manases Carpio.
Sinabi naman ni Trillanes na nakatakda sana siyang sumuko at makipag-ugnayan kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director Guillermo Eleazar, ngunit napagpasyahan niyang maglagak na lamang ng piyansa sa Davao RTC Branch 54 sa Lunes.
Iginiit ng mambabatas na ang pagsisilbi sa arrest warrants sa mga maliliit na kaso tulad ng libel tuwing Biyernes, weekends at holidays ay ipinagbabawal sa ilalim ng isang circular ng Department of Justice.
Sinabi rin ni Trillanes na may pribilehiyo siyang hindi arestuhin kapag ang Kongreso ay nasa sesyon batay sa Article VI Section 11 ng 1987 Constitution.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.