Pagdinig sa hirit na ibaba ang pamasahe sa jeep itinakda ng LTFRB sa Dec. 4
Itinakda sa susunod na Martes, Disyembre 4, ang pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa petisyon na magkaroon ng pagbaba sa pasahe sa bus at jeepney.
Sinabi ni RJ Javellana, ng United Filipinos Consumers and Commuters, natanggap niya kahapon ang abiso ukol sa gagawing pagdinig sa kanilang petisyon.
Noong Nobyembre 12 hiniling ng grupo na ibalik sa dati ang minimum na pasahe sa jeep, airconditioned at ordinary bus dahil sa serye ng pagbaba sa presyo ng krudo.
Mula sa P9 itinaas ng LTFRB sa P10 ang minimum na pasahe sa jeep at gusto ng UFCC na maibalik ito sa P8.
Samantala, dapat anila ibalik sa P10 at P12 ang minimum na pasahe sa ordinary at airconditioned buses na ngayon ay P11 at P13 na.
Una nang sinabi ni LTFRB Chairman Martin Delgra na tulad ng pagtaas, kailangan dumaan din sa proseso ang pagbaba sa pasahe sa mga pampublikong sasakyan.
Si Transportation Sec. Art Tugade naman ay nagsabi na ang paggalaw sa halaga ng pasahe ay hindi dapat idinadaan sa petisyon kundi sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.