2 guro patay, 39 mag-aaral sugatan sa vehicular accident sa North Cotabato
Patay ang dalawang guro habang 39 estudyante ang sugatan matapos maaksidente ang sinasakyan nilang truck sa Alamada, North Cotabato.
Nakilala ang mga nasawi na sina Melanie Iglesias at Tohane Macalipat, mga guro ng Kabacan National High School sa Kabacan, Cotabato.
Ang mga ito kasama ang kanilang mga estudyante ay galing sa Asik-Asik falls matapos magsagawa ng leadership camp.
Pauwi na sana sila nang mahulog sa bangin sa Barangay Dado ang sinasakyang truck.
Ayon kay Supt. Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Regional Police Office 12, maaaring nagkaroon ng ‘mechanical malfunction’ ang truck.
Dead on the spot si Iglesias habang sa ospital na binawian ng buhay si Macalipat.
Karamihan sa mga estudyante ay isinugod sa Alamada District Hospital habang sa Cotabato Regional and Medical Center naman dinala ang drayber ng truck na nakilalang si Jorge Santos.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Education (DepED) – Division of Cotabato, ipinaabot nito ang pakikiramay sa pamilya ng mga nasawing guro.
Nagpaalala ang division office sa lahat na mag-ingat sa pagsasagawa ng mga aktibidad na kasama ang mga estudyante.
Dahil din sa trahedya ay agad ipinag-utos ng DepEd Region XII-SOCCSKARGEN ang pagbabawal sa lahat ng mga aktibidad sa off-campus activities sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan mula elementarya hanggang senior high school sa buong rehiyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.