P50B kita ng mga STL, hindi nakakarating sa PCSO
Inakusahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga Small Town Lottery (STL) operators ng pandaraya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).
Ayon sa report ng NBI, hindi bababa sa P50 bilyong halaga ng kita ng mga STL ang hindi idinedeklara sa PCSO ng mga operators nito.
Kinumpirma ni PCSO Chair Erineo “Ayong” Maliksi na pinaimbestigahan niya sa NBI ang mga operasyon ng mga STL matapos siyang makatanggap ng impormasyon na ginagamit lamang ng ibang operators ang kanilang mga lisensya para sa jueteng at hindi naman itinatala ang tunay nilang kinikita sa ahensya.
Ani Maliksi, nitong mga nagdaang taon, nasa P4.7 bilyon lamang ang idinedeklarang kita ng mga STL operators ngunit ayon sa resulta ng imbestigasyon, P50 bilyon talaga dapat ang kinikita ng mga STL sa buong bansa.
Tinataya namang nasa P100 bilyon kada taon ang kinikita ng mga illegal games, kabilang na ang jueteng, ayon sa Gaming Product Development and Marketing Sector ng PCSO.
Inumpisahan ng pamahalaan ang STL noong 1987 sa pag-asang masugpo ang lumalaganap na “jueteng” sa bansa.
Ang nasabing report ng NBI na isinumite ni dating Deputy Director for Regional Services Edward Villarta kay Director Virgilio Mendez, ay base sa imbestigasyong isinagawa sa mga piling STL operations sa mga probinsya ng Bulacan, Zambales, Olongapo, Laguna, Batangas, Nueva Ecija at Quezon.
Ayon din sa NBI, imbes na PCSO official paper, “papelitos” o “lastillas” na para sa jueteng ang ginagamit ng mga nasabing probinsya.
Una nang sinabi ng Philippine National Police na hanggang ngayon, ginagamit pa rin ang STL para pagtakpan ang patuloy na pamamayagpag ng jueteng sa maraming lugar sa bansa.
Hindi rin naman anila nababantayan ng PCSO ayon sa NBI, ang mga pagsasagawa ng actual draws kaya imposibleng mabantayan din ang tunay na kinikita ng mga ito.
Ipinasa naman na ani Maliksi sa Office of the Ombudsman at Commission on Audit ang report ng NBI.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.