Pag-dedma ni PNoy sa Yolanda anniversary ipinagtanggol ni Belmonte
Ipinagtanggol ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang hindi pagtungo ni Pangulong Noynoy Aquino sa Tacloban City Leyte para sa paggunita ng ikalawang taong pananalasa ng Supertyphoon Yolanda.
Mula noong November 7 hanggang 8, iba’t-ibang aktibidad ang isinagawa sa Tacloban City para sa 2nd anniversary ng Yolanda devastation pero no-show si Pangulong Aquino o sinuman sa mga opisyal nito.
Sa Ugnayan sa Batasan, kinumpirma ni Belmonte na kasama siya ni Presidente Aquino na dumalo sa isang kasal noong Linggo (November 8).
Ang ikinasal ay ang anak ng Chinese-Filipino business tycoon na si Andrew Tan.
Pero giit ni Belmonte, ang “commemoration is in the heart, not for show”.
Ayon kay Belmonte, saksi siya noon sa concern o pag-aalala ni PNoy sa mga biktima ng Yolanda.
Isang araw daw matapos ang pagtama ng kalamidad, sinabi ni Belmonte na naroroon agad sa Eastern Visayas si Pangulong Aquino.
Nagkataon lamang aniya na lumapag sila sa Guiuan Eastern Samar pero nagparating rin ng pakikiramay at tulong ang Presidente sa mga residente ng Tacloban City.
Ipinaliwanag din ng House Speaker na napakadaling magturo pero ang mahalaga ay nakita kay PNoy maging sa iba pang opisyal ng pamahalan kung gaano silang nag-alala at tumulong sa mga nasalanta ng trahedya.
Punto pa ni Belmonte, hindi lamang ang Samar o ang Leyte ang napinsala ng bagyong Yolanda kaya hindi madali para sa Punong Ehekutibo ang lahat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.