Pulis na nanakal ng radio reporter, sinibak sa pwesto
Ipinag-utos na ng Eeastern Police District (EPD) ang pagsibak sa pwesto sa pulis na nanapak umano ng radio reporter ng DZRH.
Ayon kay EPD Dir. Elmer Jamias, didis-armahan muna si SPO2 Manuel Layson at ipatatawag sa EPD headquarters habang iniimbestigahan ang insidente kung saan sinasabing sinaktan niya ang reporter na si Edmar Estabillo.
Isasailalim din sa neuro psychariatic test si Layson dahil sa kakaibang pakikitungo sa media na kukuha lang sana ng impormasyon sa blotter ng pulisya sa Marikina PNP.
Martes ng umaga, sinabi ni Estabillo na nais lamang niyang tignan ang blotter pero nagalit ang pulis.
Kinaladkad umano siya palabas ng pulis pinosasan, dinibdiban, sinakal at kinumpiska ang kaniyang mga gamit.
Ayon sa driver ni Estabillo na si Jun Bedania, sinubukan niyang kunan ng video ang pangyayari, pero sinigawan siya ng pulis at pinalabas sa presinto. Tinakot pa umano siyang kakasuhan siya nito.
Pero sinabi ni Bedania na bago siya napalabas ng istasyon ng pulis ay kitang-kita niyang sinusuntok at tinutulak si Estabillo.
Itinanggi naman ni Layson ang alegasyon at sinabing kakasuhan niya ng direct assault, simple disobedience at unjust vexation ang radio reporter.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.