Tatlong makakaliwang undersecretaries ng DSWD, sinibak ni Pangulong Duterte
Tatlong undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay sina Maria Lourdes Turalde-Jarabe, Undersecretary for Promotive Operations and Programs Group; Mae Fe Ancheta Templa, Undersecretary for Protective Operations and Programs Group; at Hope Hervilla, Undersecretary for Disaster Response Management Group.
Kinumpirma mismo ni DSWD Secretary Rolando Bautista sa Radyo Inquirer na sinibak na ni Pangulong Duterte si si Jarabe.
November 14 nang ipadala ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang notice of termination sa tatlong undersecretary.
Si Jarabe ay dating secretary general ng grupong Gabriela, habang si Hervilla ay regional chairperson ng Bayan Muna at si Templa ay miyembro ng Forum of Women for Action With Rody Duterte.
Taong 2016 nang italaga ni Pangulong Duterte ang tatlong undersecretaries sa DSWD.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Jarabe na hindi siya na nabigyan ng prior information ukol sa pasya ng pangulo.
Paniwala ni Jarabe, ang pagiging left leaning o pagiging miyembro ng makakaliwang grupo ang isa sa mga maaring dahilan ng pagsibak sa kanya ni Pangulong Duterte.
Si Jarabe ay nagtapos na Cum Laude sa kursong Social Work sa Miriam College at naging top notcher sa board exam.
Nakapagtataka ayon kay Jarabe na sinibak siya sa pwesto gayung ginawa niya ang lahat ng pamamaraan para maayos na maserbisyuhan ang taong bayan.
Iginiit na ni Jarabe na sinunod din niya ang core values na isinulong noon ni dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo na ‘Tunay na Malasakit, Maagap at Mapagkalingang Serbisyo. Serbisyong Walang Katiwalian at Patas na Pagtrato sa Komunidad.’
Gayunman, nagpapasalamat pa rin si Jarabe sa oportunidad na ibinigay sa kanya ni Pangulong Duterte na mapagsilbihan ang taong bayan sa pamamagitan ng paglilingkod sa DSWD.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.