Pitong barangay sa Pangasinan walang kuryente matapos maputol ng isang yate ang power line
Wala ngayong kuryente ang pitong barangay sa Santiago Island, Anda, at Bolinao sa Pangasinan matapos mahila at maputol ang linya ng kuryente sa lugar ng isang yate.
Ayon kay PO1 Glendon Ray Caasi ng Anda Police Station, pag-aari ng mga Korean nationals ang yate.
Batay sa kanilang pagsisiyasat, sumabit sa halos tatlong palapag na taas na pole ng yate ang kuryente.
Nakilala ang mga sakay ng naturang yate na sina Taegeun Yoon, Seung Ki To, at Kwang Hoon Hur na patungo sana sa Subic, Zambales mula Taiwan.
Ani Caasi, hindi umano na-detect ng GPS ng kanilang sasakyang pandagat ang poste at linya ng kuryente kaya napatid nila ang linya ng kuryente.
Dahil sa pinsalang idinulot ng insidente, pinagmumulta ang mga Korean nationals ng P61,000.
Samantala, nagsasagawa naman ng hiwalay na pagsisiyasat ang Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Immigration (BI) tungkol sa pangyayari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.