Pang. Duterte, maaaring bumisita kay ex-First Lady Marcos kapag nakulong na
Maaaring bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating First Lady at ngayo’y Ilocos Norte Rep. Imelda Marcos kapag nakulong na ito dahil sa kasong graft.
Pero ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, sa kasalukuyan ay malinaw na hindi makikialam ang pangulo sa kasong kinakaharap ng 89-anyos na asawa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sinabi pa ni Panelo na mas makabubuting hayaan na muna ang korte na magdesisyon lalo’t hindi pa naman pinal ang hatol.
Ayon sa Palace spokesman, maaaring inaakala ng taumbayan na close o magkaibagang-matalik sina Pangulong Duterte at Ginang Marcos.
Subalit ayon kay Panelo, hindi nagpapa-apekto sa closeness ang presidente.
Ibig sabihin, kapag may kailangan ay tutulungan ng pangulo pero hanggang doon na lamang yun at kapag lumabag sa batas ay nagagalit ang punong ehekutibo.
Hinatulang guilty ng Sandiganbayan Fifth Division si Ginang Marcos dahil sa seven graft cases kaugnay sa 200 million dollars na Swiss foundations.
Matatandaang makailang beses nang ibinida ng pangulo na close siya sa pamilya Marcos lalo’t ang anak ni Ginang Marcos na si Ilocos Norte Governor Imee Marcos lamang ang iilan na sumuporta sa kanyang kandidatura noong 2016 presidential elections.
Bukod dito, tanging si Duterte lamang ang pangulo ng bansa na pumayag na maihimlay sa Libingan ng mga Bayani ang diktador na si dating presidente Marcos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.