Dagdag na 2,000 sa SSS pension aprubado na sa Senado
Pinal nang pinagtibay ng Senado ang panukalang batas na taasan ng dalawang libong piso ang buwanang pension ng mga miyembro ng Social Security System.
Sa ilalim ng House Bill 5842 o ang Social Security Act, aamyendahan nito ang Section 12 ng Republic Act 1161 o ang Social Security Act of 1997.
Nabatid na ang pinakahuling pag-amyenda sa nasabing batas ay noong nakalipas na labing walong taon sa ilalim ng RA 8282 o Social Security Law.
Kapag naisabatas ang HB 5842, ang mga SSS pensioners na tumatanggap ng minimum pension na 1,200 pesos kada buwan, ay makatatanggap na ngayon ng 3,200 pesos.
Ang mga average SSS pensioners naman na tumatanggap ng 3,169 pesos kada buwan, ay tataas na sa 5,169 pesos ang matatanggap.
Labing limang senador ang pumabor, walang nag abstain habang kumontra si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile.
Unang iginiit ni Enrile na hindi siya pabor sa panukala sa pangambang mauubos ang pondo ng SSS dahil hindi naman ito nagdadagdag ng singil sa buwanang kontribusyon ng mga miyembro.
Si Senador Cynthia Villar ang nag-isponsor ng panukala.
Ayon kay Villar, kumpiyansa siyang agad na maaaprubahan ng Pangulong Benigno Aquino III ang panukala dahil halos magkapareho lamang ang bersyon ng Senado at Kamara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.