Sandiganbayan hindi pa naglabas ng arrest warrant laban kay Imelda Marcos
Wala pang inilabas ang Sandiganbayan na warrant of arrest laban kay dating Unang Ginang at ngayo’y Ilocos Norte Representative Imelda Marcos matapos ang guilty verdict sa kasong graft kaugnay ng umanoy pagbuo nito ng Swiss foundations na pinakinabangan ng kanyang pamilya.
Hanggang matapos ang office hours ng Lunes, walang inilabas ang Sandiganbayan Fifth Division na warrant of arrest o hold departure order laban kay Marcos.
Pero sinabi ng division clerk of court na naghain ang kampo ng dating First Lady ng entry of appearance na pormal na nagpapalit sa kanyang abogado mula kay Atty. Robert Sison kay Court of Appeals Associate Justice Manuel Lazaro.
Si Lazaro ay nagsilbing Government Corporate Counsel noong administrasyong Marcos.
Nasa division record din na naghain ang depensa ng “motion for leave of court to avail of post conviction remedies.”
Ayon sa clerk of court, ang dalawang mosyon na inihain ng depensa ay diringgin ng Sandiganbayan Fifth Division sa Biyernes November 16.
Hinatulang guilty si Marcos sa 7 counts ng graft na may sintensyang kulong na hanggang 40 taon at penalty na perpetual disqualification sa anumang pwesto sa gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.