Umano’y big-time rice smuggler David Tan pinakakasuhan ng DOJ
Ipinag-utos ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso sa korte laban sa hinihinalang big-time rice smuggler na si Davidson Bangayan alyas David Tan.
Kasama rin sa pinasasampahan ng kaso sa korte ang limang iba pa.
Ito ay makaraang makitaan ng sapat na batayan ng DOJ ang reklamong kriminal laban kay Tan na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa pagkakasangkot umano niya sa monopolya sa suplay ng bigas sa bansa noong Aquino administration.
Sa 14-pahinang review resolution na pirmado ni Senior Deputy State Prosecutor Miguel Gudio Jr., pinasasampahan ng DOJ si Bangayan ng reklamong monopolies and combinations in restraint of trade na paglabag sa ilalim ng Article 186 ng Revised Penal Code at paglabag sa Commonwealth Act No. 142 dahil sa paggamit ng Fictitious name o pagtatago ng kanyang tunay na pangalan.
Pinakakasuhan namanm ng paglabag sa Article 186 ng Revised Penal Code sina Elizabeth Faustino, David Lim, Judilyne Lim, Eleanor Rodriguez at Leah Echevaria.
Batay sa naging imbestigasyon ng NBI, ginamit ng grupo ni Bangayan bilang dummy ang ilang mga farmers organization at cooperatives para makakuha NFA rice import allocation.
Nagsabwatan ang grupo para mamanipula ang bidding process sa pag-aaward ng rice import allocation mula sa NFA.
Ito ay nagresulta pa sila ang makakuha ng suplay ng imported rice sa lokal na pamilihan at makontrol ang presyo ng bigas sa merkado.
Ayon sa DOJ, batay sa mga ebidensya at mga affidavit na naisumite, si Bangayan ang nagsilbing financier ng ilang kooperatiba at si Faustino ang umakto bilang kanyang broker at nangasiwa sa documentary at financial requirements.
Kaugnay ng nasabing kaso ay ibinasura naman ng DOJ ang reklamong paglabag sa Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act laban sa mga respondent.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.