Aung San Suu Kyi, malaki ang tsansang manalo sa Myanmar general elections
Malaki ang posibilidad na manalo ang partido ng opposisyon na National League for Democracy party ni Aung San Suu Kyi sa katatapos lamang na eleksyon sa bansang Myanmar.
Halos 80 porsiyento ng kabuuang 30 milyong botante ang lumabas at bumoto sa kauna-unahang eleksyon sa bansa makalipas ang kalahating siglo.
Naging matahimik sa kabuuan ang eleksyon kahapon sa Myanmar na halos limampung taon nang nasa ilalim ng military rule.
Tampok sa halalan ang pagboto ni Suu Kyi di kalayuan sa kanyang tirahan sa Ranggoon na agad na pinalibutan ng taumbayan at mga mamamahayag.
Si Suu Kyi ang simbolo ng demokrasya ng naturang bansa na ilang dekada ring ipinaglaban ang demokrasya sa harap ng military junta sa Myanmar.
Sakaling manalo, magsisilbi itong dagok sa liderato ng Union Solidary and Development Party na kontrolado ng militar.
Pinagbotohan sa general elections ang puwesto sa 664 seat-bicameral parliament ng Myanmar.
Sakaling makuha ng prodemocracy party ni Suu Kyi ang mayorya ng puwesto, 25 porsiyento pa rin ng 664 na puwesto ay nakalaan sa mga itatalaga ng militar.
Sa kabila nito, naniniwala ang mga taga-Myanmar na simula na ito ng unti-unti nilang pagbangon sa kamay ng military rule.
Pagkatapos ng eleksyon, pipili ang mga bagong miyembro ng parliament ng tatlong kandidato kung saan pipili ng magiging presidente ng kanilang bansa.
Sa kasalukuyan, inumpisahan na ang pagbibilang sa mga balota sa Myanmar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.