Sen. Poe, ‘aampunin’ ng isang PMA class
Nais kupkupin o i-adopt ng Philippine Military Academy (PMA) Sambisig Class of 1991 si Sen. Grace Poe bilang kanilang honorary member.
Inendorso kasi si Poe ng ilan sa mga miyembro ng nasabing PMA class.
Ngunit, nilinaw ni Col. Richard Ruffy, class president ng Sambisig na magiging pormal lamang ang kanilang pagkupkop kay Poe kapag mas nakilala na siya ng kabuuan ng kanilang 223 na miyembro sa pamamagitan ng pagdalo sa iba’t iba nilang mga aktibidad.
Ayon sa isa sa mga nag-endorso sa kaniya na si Col. Jonas Imperial, naniniwala siya sa integridad ni Poe dahil ipinapakita ng senadora na sinasalamin ng pampublikong tanggapan ang tiwala ng publiko, at dahil malaki aniya ang nai-ambag nito sa nation building.
Pinasalamatan naman ni Poe ang PMA Sambisig Class kasabay ng pakikiisa niya sa pagpupugay sa mga yumao nilang miyembro sa Libingan ng mga Bayani noong Linggo, November 8.
Ibinahagi rin ng senadora ang kaniyang mga plano upang mas pagbutihin ang kalagayan ng mga sundalo at pulis, dahil naniniwala siyang ang pagiging bayani ay hindi sa paghahangad sa karangalan kundi sa pagsisilbi sa bayan.
Kabilang sa mga adopted members ng Sambisig Class ay sina Joey Leviste at Luli Arroyo-Bernas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.