Marikina City muling nagpakita ng disiplina sa kalinisan ngayong Undas
Kung taun-taon ay tone-toneladang basura ang nakukuha mula sa iba’t ibang mga sementeryo sa bansa, iba ang sitwasyon sa lungsod ng Marikina.
Ngayong Undas, muli na namang ipinakita ng mga Marikeño ang kanilang disipilina pagdating sa basura.
Sa loob ng Loyola Memorial Park, hindi nagkalat at nakahalo ang mga basura sa mga kandila, bulaklak at mga damo.
Maayos na nakalagay ang mga basura sa mga garbage bags na ipinakalat sa designated areas kung saan madali itong nakolekta ng mga garbage collectors at street sweepers na kinontrata ng lokal na pamahalaan.
Sa panayam ng INQUIRER sa isang female volunteer, sinabi nitong kinuha sila ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng local government para maglinis sa sementeryo sa loob ng 10 araw.
Mayroon anya silang allowance na malaking bagay na rin dahil makapagbibigay ito ng pansamantalang trabaho para sa kanila.
Ayon pa sa isang street sweeper, nakakalat din ang iba pang taga-linis sa ibang bahagi ng lungsod tulad sa Barangka, Aglipayan Cemetery, at himlayan sa Diocesan Shrine and Parish of Our Lady of the Abandoned.
Iginiit naman ng mga taga-linis na bukod sa gobyerno, talagang disiplinado ang mga sibilyan at mga establisyimento na may kanya-kanyang basurahan sa nagdaang Undas.
Malaki anila ang natutunan ng lungsod sa trahedyang idinulot ng Bagyong Ondoy na nagpanibago sa gawi ng mga residente lalo na sa basura.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.