Mga tsuper ng jeep hindi pa pwedeng maningil ng dagdag na pamasahe
Nagpaalala ang isang grupo na nagsusulong ng kaligtasan at proteksyon ng mga mananakay na hindi pwedeng maningil ang mga jeepney drivers ng P10 minimum na pamasahe ng walang bagong fare matrix.
Paalala ito ng Lawyers for Commuters Safety and Protection kasabay ng dapat ay simula ng pagpapatupad ng aprubadong dagdag na P2 sa minimum na pamasahe sa jeep na unang itinakda ng LTFRB ngayong Biyernes November 2.
Pero sinabi ng grupo na dahil wala pang nailalabas ang LTFRB na updated fare matrix, hindi pa dapat ipatupad ang dagdag pamasahe sa jeep gayundin sa city at provincial buses.
Pagkatapos pa ng Undas o sa Lunes November 5 ang balik ng pasok sa LTFRB at saka pa lamang makapaglalabas ng bagong fare matrix.
Inaprubahan ng ahensya ang P10 minimum fare sa mga jeep sa Metro Manila at Regions 3 at 4 at ang provisional fare increase na piso sa city bus at dagdag na kinse sentimos kada kilometro sa provincial bus.
Nanawagan ang grupo sa LTFRB at kaukulang ahensya na magmonitor sakaling magkaroon ng kalituhan sa implementasyon ng dagdag pamasahe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.