Bagyo sa labas ng PAR, inaasahang magiging supertyphoon ngayong araw
Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang bagyong may international name na ‘Yutu’.
Sa 4am weather update ng ahensya, huling namataan ang bagyo sa layong 2,535 kilometro Silangan ng Central Luzon.
Taglay na ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 210 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 260 kilometro bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa direksyong Hilagang-Kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Wala pang direktang epekto ang bagyo ang bansa na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado at papangalanang ‘Rosita’.
Inaasahan itong lalakas pa at magiging supertyphoon ngayong araw o bukas at posibleng daanan ang track na dinaan ng Bagyong Ompong.
Posible itong maglandfall sa Cagayan area sa Martes October 30 o Miyerkules, October 31.
Ngayong araw, intertropical convergence zone (ITCZ) lamang ang nakakaapekto sa bansa partikular sa Davao Region at SOCCSKSARGEN na makararanas ng kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat.
Maalinsangang panahon naman ang mararanasan sa nalalabing bahagi ng bansa na may posibilidad ng mga pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.