Vice Mayor Francis Zamora ng San Juan, may death threats
Matapos magdesisyong tumakbong mayor ng San Juan, nakatatanggap na umano ngayon ng pagbabanta sa kaniyang buhay si Vice Mayor Francis Zamora.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Zamora na nakatanggap siya ng text message na nagbabanta na maaaring may mangyari sa kaniyang masama sa kaniya kung hindi niya aayusin ang kaniyang mga pahayag lalo na ang mga patungkol sa pamilya Estrada. Sa text message, nakalagay ang mga salitang ito: “Hoy Francis napaka-ambisyoso mo talagang ___________ ahas ka! Kung umsta ka parang Mayor ka na… Alalahanin mo Estrada pa rin ang may hawak ng San Juan. Ayusin mo kilos at pananalita mo lalo na sa mga Estrada bago pa maubos ang pasensya ko at may mangyaring masama sayo,” nakasaad sa text message na natanggap ni Zamora.
Kuwento ni Zamora, maliban sa text message, ramdam niya ring siya ya pinasusubaybayan sa mga lugar na kaniyang pinupuntahan.
Sinabi ni Zamora para makatiyak, ipina-blotter niya ang insidente.
Hindi naman direktang tinukoy ni Zamora na ang pamilya Estrada ang hinihinala niyang pinagmulan ng mga pananakot.
Naging mainit ang sitwasyon sa pagitan ng mga Estrada at Zamora, matapos ideklara ng bise alkalde ang kaniyang pagtakbo sa 2016 elections bilang Mayor at makakalaban niya si incumbent Mayor Guia Gomez.
Sa panig ni Gomez, sinabi niyang tinraydor siya ni Zamora dahil nagkaroon na sila noon ng kasunduan na pagkatapos ng kaniyang huling termino ay saka tatakbo si Zamora bilang alkalde na susuportahan ng lubos ni Gomez.
Pero ayon kay Zamora, siya at ang kaniyang ama na si San Juan City Congressman Ronaldo Zamora ang tinraydor ng mga Estrada. “Nasaktan kami ng aking ama, we I felt betrayed, sinuportahan namin si Mayor Guia sa mahabang panahon,” sinabi ni Zamora.
Bagaman totoo ayon sa bise alkalde na may usapan sila ni Gomez na hindi muna siya sasabak sa pagka-Mayor hangga’t hindi tapos ang termino ni Gomez ay nalaman umano nilang may ibang plano ang mga Estrada.
Ayon kay Vice Mayor Zamora, noong gabi ng June 12, nagpatawag ng pulong sa mga kapita ng barangay sa San Juan si Senator Jinggoy Estrada sa kaniyang selda sa kampo krame.
Ang nasabing pulong ay dinaluhan ng 19 sa 21 barangay captains sa San Juan. Nagulat umano ang mga kapitan ng barangay nang dumating din sa doon sina Mayor Guia at si Manila Mayor Joseph Estrada.
Sa pulong na iyon, idineklara umano ng mga Estrada sa mga kapitan ng Barangay na “hindi pwedeng mawawala sa San Juan ang mga Estrada.
Ayon kay Zamora, doon na nila natunugan ang plano na kapag natapos ang termino ni Mayor Gomez ay ang anak ni Senator Jinggoy na si Janela ang patatakbuhing Mayor. “Nagulat ang mga kapitan ng barangay na dumating doon si Mayor Guia Gomez, at mas nagulat sila nung dumating si Mayor Joseph Estrada, at doon sinabi nila na hindi pwedeng mawala sa San Juan ang mga Estrada. At noong nangyari yon, naging malinaw na hindi bibitawan ng mga Estrada ang San Juan,” ayon kay Zamora.
Sinabi ni Zamora na 46 na taon nang hawak ng mga Estrada ang San Juan kaya panahon na para mabigyan naman ng ibang pagpipilian ang publiko.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.