5 arestado sa operasyon ng mga pulis sa Quezon City
Kalaboso ang limang kalalakihan matapos magsagawa ng drug buy bust operation ang mga pulis sa kahabaan ng Mindanao Extension na sakop ng Barangay Greater Lagro, Quezon City.
Nakilala ang pangunahing target ng operasyon na si Haji Hassim.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Station 5 Deputy Commander, Chief Inspector Dondon Llapitan, bagaman si Hassim ang kanilang target, si Jamael Mandabes alyas Pogi ang nakikipag-usap sa kanila at nagsisilbing runner.
Matapos ang transaksyon ay inaresto sina Hassim at Mandabes, maging ang tatlo nilang kasamahan na nagsisilbing scorer. Isa sa mga ito ang umamin na regular na gumagamit ng shabu, partikular kapag may sweldo.
Narekober mula sa limang mga suspek ang dalawang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P30,000 at isang pulang Ford Everest na ginagamit nila sa kanilang mga transaksyon.
Nabatid na mula sa Quiapo, Maynila ang ipinagbabawal na gamot. At sa lugar ng Greater Lagro at North Fairview umano nag-ooperate ang grupo ayon kay Llapitan.
Aminado si Mandabes na dati siyang gumagamit ng droga, ngunit depensa nito, 2012 pa nang sumuko siya sa Oplan Tokhang at nang makalaya ay nagpautang na lamang siya. Giit pa nito, hindi umano siya si alyas Pogi at napagkamalan lamang.
Mahaharap ang lima sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.