Kaalyado ni Pangulong Aquino, sinibak sa puwesto ng Ombudsman
Isa na namang ka-alyado ni Pangulong Benigno Aquino III ang pinasibak ng Office of the Ombudsman.
Sa desisyon ng Ombudsman, iniutos nito na tanggalin na sa serbisyo si Cagayan de Oro City Mayor Oscar Moreno dahil sa umano’y pag-apruba niya sa P2.6 milyong tax break ng isang private firm ng walang pahintulot mula sa city council.
Bukod kay Moreno, pinatanggal din ng Ombudsman sina Matanao, Davao del Sur Mayor Vicente Fernandez at Ditsa-an, Lanao del Sur Mayor Mamintal Adiong na isa ring miyembro ng Liberal Party, kasama ang 27 iba pang mga lokal na opisyal na may kinalaman din sa mga kasong isinampa sa kanila.
Tatakbo sanang muli si Moreno bilang alkalde sa ilalim ng Liberal Party, ngunit dahil sa desisyon ng Ombudsman, hindi na siya maaaring magsilbi bilang opisyal ng pamahalaan.
Sa pahayag ng Ombudsman na inilabas noong October 6, nahatulang guilty si Moreno at ang officer in charge ng treasurer’s office sa kasong grave misconduct.
Ito’y matapos nilang payagan ang Ajinomoto Philippines na magbayad lamang ng P300,000 na business tax nang walang pahintulot ng city council na isang malinaw na paglabag sa Local Government Code.
Pinabulaanan naman ni Moreno ang nakalagay sa desisyon ng Ombudsman na hindi siya nag-hain ng counteraffidavit sa reklamo.
Masyado aniyang malupit ang parusang pagkakaalis sa serbisyo at diskwalipikasyon dahil hindi man lamang tiningnan ng mga imbestigador ang kaniyang sagot sa reklamong isinampa sa kaniya.
Maghahain ng motion for reconsideration at magpepetisyon din aniya siya ng temporary restraining order sa Court of Appeals laban sa kautusang inilabas ng Ombudsman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.