Dating judge, nabiktima ng isa pang scam sa NAIA

By Kathleen Betina Aenlle November 06, 2015 - 04:12 AM

 

Inquirer file photo

Nakaranas ng isa pang uri ng scam sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang retiradong judge.

Inilahad ni dating Cavite Regional Trial Court (RTC) judge Manuel Mayo sa kaniyang Facebook account ang karanasan niya sa paliparan noong September 3 lamang nang papunta siyang Amerika.

Ayon kay Mayo, bigla na lamang nawala ang kaniyang wristwatch na Omega sa bulsa ng kaniyang backpack matapos nitong dumaan sa x-ray scanner.

Tulad ng pangkaraniwang prosesong pangseguridad, kinailangan niyang tanggalin ang kaniyang sinturon, jacket, sapatos, mga susi, at mga barya na suot niya at ilagay sa tray bago siya dumaan sa scanner.

Tinanggal rin niya ang kaniyang relo, ngunit imbis na ilagay ito sa tray, inilagay niya na lamang ito sa bulsa ng kaniyang backpack para makasiguro.

Nang isusuot na niya ang kaniyang mga gamit na tinanggal matapos siyang ma-clear, napansin niyang wala na sa bulsa ng bag niya ang kaniyang relo.

Binalikan niya ang tauhan sa scanner at sinabing nawawala ang kaniyang relo.

Iminungkahi ng airport scanner na idaan muli sa x-ray ang kaniyang bag, itinuro nito kay Mayo ang imahe ng isang relo na hugis parisukat na nasa loob ng bag niya.

Ngunit, hindi hugis bilog ang kaniyang hinahanap at ang nakita nila sa x-ray ay ang isa pang baong relo ni Mayo.

Muli niyang hinanap ang kaniyang relo sa bag ngunit wala pa rin, at nang mapansin umano ng tauhan ng paliparan na naiinis na siya, pinayuhan siya nito na maaari siyang magreklamo sa kanilang central office.

Bumalik ang airport scanner sa kinalalagyan ng kaniyang backpack at nag-alok na siya na ang mag-hanap, at pumayag naman si Mayo.

Tila umano isang milagro na matapos kalkalin ng tauhan ang kaniyang bag ay bigla na lang nitong nakita ang relo na kanina lamang ay naglaho na sa hangin.

Ani Mayo, siguro kung hindi siya nag-check in ng maaga ay wala na siyang panahon para magreklamo sa opisina at baka hindi na rin niya nakuha ang kaniyang mamahaling relo.

Dahil dito, hinala ni Mayo na kung ang kaniyang relo nga ay nawala at bumalik, hindi malayong biglang magkaroon ng bala sa mga bagahe ng mga pasahero tulad ng nangyayari sa mga kaso ng tanim-bala kamakailan lang.

TAGS: crime, NAIA, tanim bala, crime, NAIA, tanim bala

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.