Net satisfaction rating ni VP Robredo, nananatiling “good”; SGMA, nakakuha ng neutral -4
Tumaas ang net satifaction rating ni Vice President Leni Robredo, batay sa latest survey ng Social Weather Stations o SWS.
Sa Third Quarter 2018 Social Weather Survey, na isinagawa noong September 15 hanggang 23, 2018 ay natanong ang 1,500 respondents ng “gaano kayo nasisiyahan o hindi nasisiyahan sa pagganap sa tungkulin ng mga babanggiting opisyal ng gobyerno.”
Mula sa +32 na naitala noong Hunyo ay umakyat sa +34 ang September rating ni Robredo o nananatiling “good.”
Lumabas sa survey na 57% ng mga tumugon ang nagsabing “satisfied” sila sa trabaho ng bise presidente habang 23% ang “dissatisfied.”
Nakakuha naman ng +55 o “very good” na net satisfaction rating si Senate President Vicente “Tito” Sotto.
Samantala, si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ay nakapagtala lamang ng “neutral -4” para sa kanyang unang overall satisfaction rating.
Matatandaang noong Hulyo lamang nahalalal si GMA bilang Speaker of the House, kapalit ni Rep. Pantaleon Alvarez.
Ang kakaretiro namang si dating Supreme Court Chief Justice Teresita Leonardo-de Castro, nasa “neutral +4” ang overall satisfaction rating.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.