5 nahulihan ng bala sa NAIA nakalaya na, 2 pa ang nakakulong
Nakalaya na mula sa pagkaka-detain ang limang nahulihan ng bala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Public Attorney’s Office Chief (PAO) Atty. Persida Rueda-Acosta, pansamantalang nakalaya kagabi ang mga nahulihan ng bala matapos silang maisailalim sa inquest proceedings.
Kabilang sa mga nakalaya ang isang Filipino-American, walang overseas Filipino workers, at dalawang iba pa.
Sinabi ni Acosta sa panayam ng Radyo Inquirer na ang lima ay isinasailalim ngayon sa debriefing dahil sa trauma na kanilang dinanas lalo na ang isang 77 anyos na lolo na dalawang araw natulog sa NAIA matapos mahulihan ng bala.
“Isinasailalim sila sa debriefing ng ating mga senior public attorneys dahil siyempre may trauma silang dinanas, may dalawa pang tumaas ang presyon, dahil nga sa pagkaka-detain doon,” ayon kay Acosta.
Samantala ang dalawa pang pasahero na nahulihan kahapon ng bala ay nakadetain pa rin ngayon sa headquarters ng Avsegroup.
Isa sa kanila ay si Rey Salado na uuwi sana sa Cagayan de Oro City kahapon pero naharang sa NAIA terminal 3 matapos makita ang bala na bigay lang daw sa kaniya bilang souvenir galing sa Baguio City.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.