LTFRB magbibigay ng special permit sa mga bus sa panahon ng APEC summit
Magbibigay ng special permits ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga pampasaherong bus na nais bumiyahe ng labas sa kanilang ruta sa panahon ng APEC summit.
Ito ay dahil sa magkakaroon ng mahabang bakasyon ang mga mag-aaral at mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) mula November 17 hanggang 20 at maaring maraming mga pasahero uuwi sa mga lalawigan.
Ayon kay LTFRB Board Member Atty. Ariel Inton, inaasahan na nilang maraming pasahero sa Metro Manila ang uuwi sa mga lalawigan dahil sa mahaba-habang bakasyon.
Dahil dito, ngayon pa lamang pinapayuhan na ng mga LTFRB ang mga bus operators na maghain ng aplikasyon sa ahensya kung nais nilang mabigyan ng special permit. “We expect more bus passengers during the APEC meetings, bus operators must look into this and apply for special permits so that the Board will be able to act on them if so needed,” ayon kay Inton.
Sa panahon ng APEC Summit, mula November 17 hanggang 20 ay suspendido ang klase sa lahat ng antas sa Metro Manila, gayundin ang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Habang deklaradong namang special non-working holiday para sa mga nagtatrabaho sa pribadong sektor mula November 18 hanggang 19.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.