Heart relic ni Padre Pio, dumating na sa bansa
Dumating na sa bansa ang ‘incorrupt’ o hindi nabulok na puso ni Santo Padre Pio.
Biyernes ng gabi nang lumapag ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at agad na dinala sa National Shrine of St. Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas.
Bago mag-ala-1:00 ng madaling araw ay nakarating na ang relic sa shrine na sinalubong ng daan-daang deboto.
Isang solemneng ritwal ng pagtanggap sa relic ang isinagawa ng mga kaparian ng Archdiocese of Lipa.
Matapos ang ritwal ay isang misa ang idinaos sa pangunguna ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera.
Maglalagi ang relic sa Sto. Tomas hanggang bukas, araw ng Linggo, October 7, at muling dadalhin sa Maynila partikular sa University of Santo Tomas at Manila Cathedral at bubuksan sa publiko para sa veneration mula Lunes hanggang Miyerkules, October 8 hanggang 10.
Sa October 11 hanggang 13 naman ay tutungo na ito sa Visayas sa pangunguna ng Archdiocese of Cebu at October 14 hanggang 16 naman sa Mindanao na pangungunahan ng Archdiocese of Davao.
Umaga ng October 17 ay ibabalk ito sa Batangas hanggang October 26.
Ang Pilipinas ang ikaapat pa lamang na bansa na bibisitahin ng heart relic matapos ang Estados Unidos, Paraguay at Argentina.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.