Panibagong oil price hike ngayong linggo kasado na
Ipatutupad na bukas, araw ng Martes, ang ikawalong sunod na pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Magkakaroon ng dagdag na P1 ang bawat litro ng gasolina at P1.35 sa kada litro ng diesel.
Para naman sa kerosene o gaas, madadagdagan ang kasalukuyang presyo nito ng P1.10.
Dahil dito, simula bukas ay nasa P60.50 na ang halaga ng bawat litro ng gasolina, habang P49.60 naman ang sa kada litro ng diesel.
Ngunit sa ilang mga lalawigan ay mas mahal pa ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Partikular sa Odiongan, Romboln, ang halaga na ng gasolina ay naglalaro sa P71.17 at P57.46 para naman sa diesel.
Sa Laoag, Ilocos Norte naman ay nagkakahalaga ng P62.70 kada litro ang gasolina, at P49.90 bawat litro ang diesel.
Kabilang sa mga nag-anunsyo na ng pagpapatupad ng panibagong oil price hike bukas ng alas-6 ng umaga ay ang mga kumpanyang Caltex, Eastern Petroleum, Flying V, Jetti, Petro Gazz, Petron, Phoenix Petroleum, PTT, SeaOil, Shell, Total, at UniOil.
Ayon sa Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy (DOE), ang panibagong pagtataas sa singil ng mga produktong petrolyo ay dahil sa nangyayaring kaguluhan sa Middle East maging ang pagbaba ng produksyon ng mga petroleum products sa Venezuela.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.