Nasawi sa lindol at tsunami sa Indonesia umakyat na sa higit 450

By Rhommel Balasbas September 30, 2018 - 05:18 AM

AP Photo

Pumalo na sa mahigit-kumulang 450 ang nasawi bunsod ng malagim na lindol at tsumami na tumama sa Palu, Indonesia noong Biyernes.

Sa press briefing ng Indonesian officials, sinabi ng mga ito na sa naturang bilang ay mahigit 420 ang patay sa Palu pa lamang.

Ayon kay Indonesian Vice President Jusuf Kalla, posibleng umabot ang death toll sa libu-libo habang nagpapatuloy ang search and rescue operations ng gobyerno.

Ayon naman kay Sutopo Purwo Nugroho, tagapagsalita ng National Disaster Management Agency, may daan-daang nagtipun-tipon sa Palu para sa isang beach party na hindi agad tumakbo at ipinagpatuloy ang kanilang aktibidad sa kabila ng pagyanig.

Inaasahang magpapalaki sa bilang ng nasawi ang bayan ng Donggala na hanggang sa ngayon ay sinisikap na maabot ng gobyerno.

Nahihirapang mapasok ang lugar dahil sa nawasak na main bridge patungo rito.

Sa isang statement sinabi ng Red Cross na lubhang nakakapagalala na walang impormasyon mula sa Donggala kung saan 300,000 ang taong naninirahan.

Balakid sa Indonesian officials ang linya ng komunikasyon, sirang mga kalsada at kabi-kabilang pagguho ng lupa.

Bunsod nito, maging ang delivery ng relief goods ay apektado.

Tinatayang nasa 10 talampakan ang taas ng tsunami na rumagasa sa Palu na kumitil ng maraming buhay at wumasak sa libu-libong bahay at establisyimento.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.