Hindi tama ang polisiya ng Gobyerno ni Pangulong Aquino sa Foreign Relations kaugnay ng isyu ng agawan ng teritoryo sa South China Sea.
Sinabi sa Radyo Inquirer ni Buhay Partylist Representative Lito Atienza na tama ang pamamaraan sa foreign relations ng mga nakalipas na administrasyon pero ngayon ay hindi epektibo ang ginagawa ng pamahalaan.
“Mali na nga ang foreign relations policy ay hindi pa maayos ng gobyerno ang mga problema sa loob ng bansa,” pahayag ni Atienza sa programang tinig ng mga eksperto ni Brenda Arcangel.
Dapat na anyang magretiro si Foreign Affairs Sec. Albert del Rosario at panahon na para magkaroon ng bagong approach para maiparating sa China ang nais ng Pilipinas ukol sa isyu ng territorial dispute.
Ayon kay Atienza, walang kalaban-laban ang Pilipinas sa ginagawa ng China kahit bahagi ng exclusive economic zone ng bansa ang West Philippine Sea.
Sinuman anya ay pwedeng mangisda at magnegosyo sa mga pinag-aagawang teritoryo sa rehiyon pero inangkin ito ng China at walang magawa ang gobyerno.
Dagdag ng Kongresista, mali ang solusyon na tumakbo ang Pilipinas sa Amerika at Japan kaya binubweltahan ng China ang Pilipinas.
“Takbo tayo ng takbo sa US at Japan pero Pilipinas ang mas malapit sa China kaya tayo ang malapit na binabanatan,” ani Atienza.
Tama naman anya ang payapang resolusyon ng gobyerno gaya ng paghahain ng kaso sa United Nations pero dapat daw na hindi ito tantanan para masolusyunan ang isyu.
Iginiit ni Ana sakop ng teritoryo ng Pilipinas ang mga lugar sa rehiyon na inaangkin ng China pero payo nito, hindi dapat pikunin ang Beijing lalo’t malaki itong bansa na kayang tirisin ang Pilipinas./ Len Montano
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.