WATCH: Binabatikos sa social media ang mababang kalidad ng pabahay ng NHA sa Ormoc City
Viral ngayon sa social media ang pagbisita ni Ormoc City Mayor Richard Gomez sa isang housing project ng National Housing Authority (NHA) sa Ormoc.
Pinuna ng netizens ang anila ay maling salansan ng hollow blocks sa mga itinatayong bahay.
Sa halip kasi na salitan ginawang pantay-pantay ang salansan ng hollow blocks.
Maging si Gomez ay nadismaya nang makita ang housing project.
Ayon sa alkalde, kahit kaninong “bobo” ipakita ang pader ay maiintindihan na mali ang pagkakagawa.
Nakatikim ng sermon kay Gomez ang mga dinatnan niyang tauhan sa itinatayong pabahay.
Aniya, ibigay naman sana ang kung ano ang nararapat sa mga taong titira sa pabahay.
Pati ang semento sa flooring ng mga bahay ay pinuna ng mayor dahil malambot at halatang tinipid.
Katunayan, nabasa lang ng konti ay nagputik na ang semento na ayon kay Gomez halatang hindi ginamitan ng purong buhangin at hinaluan ng lupa. Ayon kay Gomez kapag naglagay ng buto sa sahig nung bahay, tutubo ito dahil may lupa.
Ang nasabing proyekto ng NHA sa Barangay Gaas, Ormoc City ay para sa mga biktima ng lindol noong July 2017.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.