Aktibidad para sa ika-121 anibersaryo inilatag ng DOJ

September 26, 2018 - 12:01 PM

Simula na ngayong araw ng Miyerkules ang tatlong araw na pagdiriwang ng ika-121 anibersaryo ng Department of Justice (DOJ).

Sinimulan ang programa alas 9:00 ng umaga sa pamamagitan ng thanksgiving mass, kasunod ang invocation, national anthem, special number ng DOJ chorale, announcement ng loyalty awardees at anniversary message ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

Alas 2:00 ng hapon naman magkakakaroon ng Palarong Bingo at bandang 4:30 ay ang Ceremonial Lighting o paiilawan o sisindihan ang mga bagong lagay na makukulay na ilaw sa pinagandang gusali ng DOJ.

Magsasagawa din ng iba’t ibang aktibidad bukas araw ng Huwebes tulad ng tree planting sa Malabon City mangrove site habang sa DOJ compound naman ay may government service program o one stop shop na magbibigay ng serbisyo sa publiko na kukuha o magpoproseso ng mga papeles o dokumento.

Ito ay lalahukan ng NBI, Philhealth, Philippine Statistics Authority, GSIS at PAGIBIG.

Mayroon din blood letting ang Philippine Red Cross, libreng masahe ng power touch, libreng gupit ng buhok kaloob ng David’s Salon, libreng pa-check ng blood pressure at medicine promo booth ng Mercury Drug.

Itutuloy pa rin ang mga nabanggit na aktibidad sa Biyernes pero bandang alas dos ng hapon ay magsasagawa ng tinawag na zumba ng bayan na pangungunahan ng kompanyang Fitness First at tatapusin sa pamamagitan ng flag retreat o pagbaba ng bandila ng Pilipinas.

TAGS: Anniversary, department of justice, Radyo Inquirer, Anniversary, department of justice, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.