‘Tanim-bala’ sa NAIA kailangan ng executive action – OFF CAM ni Arlyn Dela Cruz
Kapag ang isang usapin o kontrobersiya ay usa-usapan sa media, sa kasong ito, sa lahat ng media platform lalo na sa social media, ang tendency ay mag-ingat ka para huwag mabiktima ng mga nasa likod ng “tanim-bala” o “laglag-bala”. O kung ikaw man ay isa sa mga naniniwala na anting-anting ang bala, hindi ka na magdadala, o kung nagkataong tingin mo naman sa bala ay souvenir item, hindi ka na rin magdadala kung ikaw man ay papasok o papalabas ng Ninoy Aquino International Airport.
Iwas aberya, iwas gusot, iwas abala, at iwas sakit ng ulo.
Case in point ang 65-anyos na si lola Nimfa na papuntang Singapore. Dahil sa balita tungkol sa “tanim-bala” o “laglag-bala”, lahat ay ginawa nila para tiyaking walang ibang makakagalaw ng kanyang bagahe. Pero may isa pa siyang bag, hand-carried bag na halos lahat naman ng biyahero ay mayroon,ma-lalake o babae. At doon na nga sa hand bag nakita ang bala na iginigiit ng matanda na hindi sa kanya.
Pinaniniwalaan ko siya at ganoon din ang marami. Kung ginagawa mo na ang lahat para maingatan ang iyong bagahe bakit mo nga naman tatangkain man lang na ilusot ang isang piraso ng bala na alam mong ikapapahamak mo?
May awareness, may ibinungang pagkilos—ang pag-iingat ngunit sa malas, nakalusot pa rin o mas tama sigurong sabihing, nalusutan pa rin.
Ang pagkabahala ng marami sa pinaniniwalaang sindikato sa likod ng “tanim-bala” o “laglag-bala” ay nasa antas na ng pagka-praning. Nandoong balutin nan g plastic ang buong bagahe, naroong ikandado lahat ng dapat na isarang bahagi ng luggage na maaaring paglagyan ng bala.
Naroon ang kawalan ng tiwala dahil naroon na rin kasi ang takot at ang resulta, gumagawa na ng mga paraan ang mga nagbibiyahe palabas o papasok ng NAIA na lalo lamang nagdiriin sa katotohanang parang iniwan na naman ng pamahalan ang mamamayan sa pagresolba sa problemang ito.
May madaling solusyon eh. Kung ang Aviation Security Service nga ay nabuo sa bisa lang ng Executive Order, bakit hindi sa pamamagitan din ng isang EO solusyunan ang problemang ito na nagdudulot ng kahihiyahan na naman sa buong bansa. Hindi naman kailangang hulihin o asuntuhin agad. Puwedeng kumpiskahin muna tulad ng ginagawa sa ibang airports sa ibang bansa.
Hindi ko sinasabing balewalain ang umiiral na batas tungkol dito pero sa takbo ng mga pangyayari ngayon, kailangang may agarang solusyon at isang utos mula sa pangulo sa pamamagitan ng isang Executive Order at nasa kamay ito ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ang nangyayari kasi, nauuna ang pagtatanggol kaysa sa pagsisiyasat sa kung ano ba talaga ang nangyayari? Naka-depensa na agad, hindi pa muna nasasagot ang mga tanong na nangangailangan ng kagyat na katugunan.
Una, may sindikato ba talaga? Kung mayroon, sinu-sino ang nasa likod nito? Kailan pa ito nagsimula? Ilan na ang nabiktima ng sindikato?
For the benefit of the doubt sabi nga, sabihin na nating tama ang huli, may dala ngang bala, ang tanong dito ay ilan ba ang nadala sa piskalya at nakasuhan at ilan naman ang nauwi sa aregluhan? Kung naareglo, magkano at sinu-sino ang nakinabang sa areglo?
Sa mga tapat na naglilingkod sa NAIA, walang legal o ilegal na bagay diyan na hindi kayu-kayo din ang nagkakaalaman. Ang ibig kong sabihin, kung may sindikato nga sa inyong hanay lalo’t hindi naman kayo kasama dito, maaanong ibunyag ninyo na ito at nang sa gayon, hindi kayo madamay sa masamang epekto nito hindi lamang sa institusyong inyong pinaglilingkuran kundi sa Pilipinas sa kabuuan.
Modus operandi ng iilan pero buong bansa ang dawit na naman sa negatibong imaheng ito. Kung may dapat na kagyat na kumilos para matukoy na talaga ang puno’t dulo ng problema, walang iba kundi ang pangulo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.