Mga frat members na sangkot sa gulo sa UP campus, suspendido na
Kinondena ni University of the Philippines Diliman Chancellor Dr. Michael Tan ang insidenteng kinasangkutan ng dalawang fraternity group sa campus noong Enero 17 kung saan may apat na estudyanteng nasugatan.
Sa pahayag ni Tan, dalawang magkasunod na insdenteng sangkot ang mga fraternities ang naganap, ang una ay noong alas 3:00 ng hapon kung inatake ng isang grupo ng mga lalaking pawing nakasuot ng mascara ang dalawa sa mga estudyante. Ang mga suspek ay nakatakas habang ang dalawang nasugatang estudyante ay ginamot sa University Health Service.
Ang ikalawang insidente ay naganap din noong hapon na iyon kung saan inatake naman ng mga suspek ang isang nakaparadang sasakyan na mayroong lulang dalawang katao.
Ayon kay Tan, batay sa report ng UP police, tumakas ang mga suspek gamit ang dalawang getaway cars na ang isa ay naharang kalaunan sa loob din ng campus matapos habulin ng UP Diliman police.
Isa sa mga biktima ay inilarawan ni Tan na “bugbog-sarado”. Hindi aniya ito makapagsalita dahil sa tindi ng sakit na dinanas.
Tiniyak naman ni Tan na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa insidente at lalo pang inalerto ang UP Diliman security para maiwasan na ang pangyayaring sangkot ang mga fraternities.
Tinawag naman ni Tan na kahihiyan sa kanilang kinasasapiang fraternity ang ginawa ng mga sangkot sa insidente.
Pinatawan na ng preventive suspension ng UP Diliman administration ang mga sangkot na estudyante, at kung mapatutunayang guilty ay maari silang mapatalsik sa Unibersidad.
Nakakulong na ngayon sa Quezon City Police District Anonas Police Station ang limang suspek at nahaharap sa mga kasong frustrated homicide, malicious mischief, at illegal possession of firearms./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.