Mga bastos na Immigration officers, binalaan
Binalaan ni Bureau of Immigration (BI) officer-in-charge deputy commissioner at Port Operations Division chief Red Marinas ang mga bastos na opisyal ng ahensya.
Ito ay matapos na magpalabas si Marinas ng memorandum na nag-uutos sa lahat ng personnel nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na maging magalang sa pakikitungo sa mga pasahero.
May nakarating kasi na report kay Immigration commissioner Jaime Morente tungkol sa mga opisyal nito sa NAIA na nagpakita ng kagaspangan ng pag-uugali sa mga pasahero habang sumasailalim sa primary inspections.
Inutusan din nito ang mga immigration officer na maging pasensyoso at pairalin ang maximum tolerance sa mga pasaway na pasahero na hindi naman banta sa seguridad.
Ayon kay Marinas, ang mga opisyal nila na irereklamo ng pasahero dahil sa pagiging bastos ay maaaring maharap sa disciplinary action dahil sa paglabag sa code of conduct for BI employees.
Kaugnay nito, pinayuhan din ni Morente ang mga dayuhang turista na huwag bastusin ang mga immigration officer na itinuturing na simbolo ng bansa dahil ito ay labag sa Immigration law.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.