Usapin ng pagsuot ng Arab attire nina Sotto at De Leon sa EB, hindi na dapat palalain pa
Hindi na kailangang palalain pa ang usapin sa pagsusuot ng damit ng mga Arabo ng TV hosts na sina senator Tito Sotto III at Joey De Leon sa Halloween Special ng Eat Bulaga nitong Sabado.
Sinabi sa Radyo Inquirer ni Sultan Sharif Ibrahim Albani, Chairman ng International Movement on Peace Unity and National Reconciliation na bagaman puwedeng tignan na isang pambabastos sa relihiyong Islam ang nangyari, umiiral anya ang katotohanan na maaaring walang kaalaman ang dalawa sa kung ano ang kahalagahan ng naturang kasuotan sa mga Arabo o sa mga Muslim.
“There is no compulsion in religion, maaaring blind sila sa kung ano kahalagahan nito sa mga Muslim na tulad namin, “ani Albani. Kahinahunan sa mga kapwa Muslim ang naging panawagan ni Albani.
Sa halip na palalain ang usapin, ang dapat ayon kay Albani ay ang matuto sa sitwasyon. Sapat na rin aniya ang manghingi na lamang ng public apology sina Sotto at De Leon o di kaya naman ay ang pamunuan ng Eat Bulaga.
Nauna rito ay sinabi ng ilang Manila-based Muslim Organization na pag-iisipan nila kung ano ang puwedeng ihaing reklamo sa dalawang TV hosts sa pag-suot nila ng Arab costume sa Halloween Special ng Eat Bulaga.
Hindi pa nanghihingi ng public apology sina Sotto o si De Leon ngunit nagsabi na si Sotto na ilang taon nang yun ang kanyang suot sa tuwing may Halloween Special ang Eat Bulaga at nagtataka siya kung bakit ngayon lamang ito naging isyu.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.