AFP nagbabala tungkol sa “Red October” plot ng CPP
Nagbabala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na bagaman hindi natuloy ang planong pagpapatalsik sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte noong September 21 ay mayroon pa ring nakaambang “Red October.”
Ayon kay AFP deputy chief of staff for operations, Brigadier General Antonio Parlade, ang Red October ay itinaon sa buwan ng international celebration ng communism, Marxism, at indigenous peoples (IP).
Iginiit ni Parlade na tunay ang September 21 outer plot, at kung hindi man ay isang paunang hakbang upang madestabilize ang administrasyong Duterte.
Aniya, mananatili ang banta sa pangulo dahil mismong si Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria Sison ang nagpaplano nito, kasama ang central committee ng CPP na sina Rey Casambre at Satur Ocampo.
Batay umano sa narekober na mga dokumento, ang coalition ng oposisyon na Tindig Pilipinas ay muntik nang makipag-alyansa sa mga grupong nangunguna sa Septemer 21 ouster plot. Ngunit umatras ang mga ito nang malamang ang makakaliwang grupo pala ang nasa likod nito.
Ayon pa kay Parlade, kasama ng Tindig Pilipinas ang Liberal Party (LP) at Magdalo sa planong pagpapatalsik sa pangulo.
Samantala, nauna nang itinanggi nina Vice President Leni Robredo at Senador Antonio Trillanes IV ang mga akusasyong nagpaplano silang tanggalin sa pwesto si Pangulong Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.