NAHULIHAN DIN AKO NG BALA SA VIETNAM AIRPORT ! – Wag kang Pikon!

By Jake J. Maderazo November 01, 2015 - 01:56 PM

NAIA1-bulletIsa nang international issue ngayon ang tanim-bala, laglag-bala at halos lahat ng mga travel at tourist magazines o websites ay tinalakay ito.

Napakalaking perwisyo sa Pilipinas na likha lamang ng mga ganid at dupang na mga security at airport personnel diyan sa NAIA.

Noong May 2011 , nahulihan din ako ng mga bala sa Tan Son Nhat Airport sa Ho Chi Minh (Saigon city) pero hindi naman ako kinwestyon o dinitine, bagkus, kinuha lang nila ito at pinasakay na ako pabalik ng Maynila.

Walang imbestigasyon, walang kaso. Isipin niyo bansang komunista pa iyon at hindi naging isyu ang mga bala. Noong panahong iyun, ang aking pamilya ay nagbakasyon sa Vietnam ng ilang araw para malaman ang “kaunlarang” nangyayari roon. Isang biyaheng mahirap kong makalimutan dahil sa pagdaan namin sa Mekong delta, may breaking news ang tour guide namin na napatay na raw si Osama Bin Laden sa Afghanistan.

Sa huling araw ng aming tour, pumunta kami sa Cu-chi tunnels partikular sa Ben Duoc, malapit sa Saigon, kung saan pwedeng pasukin ng turista ang mga maliliit na lagusan ng mga Vietcong para i-ambush ang mga sundalong Amerikano.

Pwede ka ring magpaputok ng malalakas na armas tulad ng AK-47 at kung anu-ano pang mga military hardware.

Sa kanilang souvenir ship, bumili ako ng isang “brass helicopter gunship replica” na merong mga dekorasyong tila mga bala sa “landing gear” nito.

May kamahalan lalot “government tourist spot” ito pero, dahil deretso na kami sa airport, inilagay ko na lang sa handcarry. Pagsapit ng airport, siyempre, nakita ng mga “scanners” ang naturang Helicopter gunship at otomatiko nilang tinanggal isa-isa ang siguro’y walong mga bala sa naturang laruan at inilagay sa confiscation box.

Pagkatapos ay ibinalik sa akin ang “bullet less” helicopter gunship ko at pina-deretso na ako sa Departure area.

Ni hindi ako tinanong o kaya’y pinagsabihan. At ang pakiwari ko ay mas importante sa kanilang trabaho ang pagtanggal ng mga “dangerous items” sa eroplano kaysa perwisyuhin ang turista.

Kung dito sa NAIA nangyari sa akin iyun, malamang may kaso na ako lalot kung hindi ako aareglo sa mga tiwaling airport scanners o PNP aviation police.

Kahit pa siguro sabihin ko na ito’y nabili ko sa isang souvenir shop sa tourist spot ng gobyerno.

Lumilitaw tuloy na mas mabuti pa sa Komunistang bansa, mas nakakaintindi at may common sense.

Ang prinsipyong dapat manaig sa sitwasyong ganito ay kumpiskahin lamang ang “prohibited item” at tiyaking hindi magbibigay panganib sa eroplano at hindi ang pagsasampa ng demanda o kaso sa papaalis na pasahero.

Ang dami na pong biktima ng tanim bala sa NAIA na pawang mga paalis o “outbound passengers” , una na ang OFW sa Hongkong na si Gloria Ortinez , gayundin sina Pancho Salgado ng Taytay, Chris Mendoza ng Sampaloc, Maynila, Revelina Combis ng Aurora, Engr. Augusto Dagan at isang Hapones.

Inuulit ko , ang dapat ginawa dito ay “KUMPISKADO”, HINDI KASO! Dahil kung ipipilit ang pagsasampa ng mga kaso, ang ibig sabihin niyan, LAGAYAN PARA IWAS SABIT ang kalakaran sa NAIA.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.