Mga mag-aaral ng UP kinondena ang pambabastos ni Asec Uson at Drew Olivar sa deaf community
Mariing kinondena ng University of the Philippines (UP) Diliman College of Education Student Council ang panibagong viral at kontrobersyal na video ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson at blogger na si Drew Olivar kung saan tila binastos ng blogger ang sign language.
Sa isang Facebook post ng studen council, sinabi ng grupo na nilabag ni Uson at Olivar ang Republic Act 9442 o ang Magna Carta for Disabled Persons, and for Other Purposes.
Nakasaad kasi sa naturang batas na walang sinuman ang mayroong karapatang mangutya ng mga taong mayroong kapansanan na maaaring magresulta sa pagkawala ng self-esteem ng mga persons with disability (PWD).
Paliwanag pa ng student council, sa ilalim ng Section 39 ng magna carta ay nakasaad na ang pangungutya ay anumang bagay na nagpapakita ng imitation o mockery ng mga gawain ng PWD dahil sa kanilang kapansanan.
Kaya naman hinimok ng grupo si Uson na maglabas ng public apology.
Ayon pa sa student council, bilang isang kawani ng pamahalaan na mayroong mataas na katungkulan, dapat alam ni Uson na dapat bigyang importansya at respeto ang iba’t ibang komunidad, kabilang na ang deaf and mute community.
Hiling din ng grupo sa pamahalaan na panagutin sina Uson at Olivar at patawan ang mga ito ng karampatang parusa para sa kanilang ginawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.