Pagbaba ng joblessness rate ng bansa, tanda ng magandang ekonomiya – Malacañang
Welcome sa Malacañang ang resulta ng Social Weather Stations survey na nagsabing bumaba ang joblessness rate ng bansa sa second quarter ng 2018.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque patunay lamang anya ito na maganda ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng problema sa inflation.
Sinegundahan ni Roque ang resulta ng SWS survey na nagsasabing bumaba sa 19.7 percent ang joblessness rate sa 2nd quarter ng 2018 kumpara sa 23.9 percent noong Marso.
Dahil dito ay nasa 8.6 milyong Filipino adults na lang ang jobless kumpara sa 10.9 milyon noong Marso.
Ayon kay Roque, ang resulta ng survey ng SWS ay sumusuporta sa bagong labas na datos ng Philippine Statistics Authority na nagsabing gumanda ang employment rate ng bansa para sa Hulyo 2018 sa 94.6 percent.
Ayon sa PSA, nasa 40.7 milyong Filipino ang may trabaho noong Hulyo kumpara sa 40.2 milyon noong 2017.
Giit pa ng kalihim, ang naturang datos ng PSA ay ang pinakamataas sa loob ng 10 taon na patunay lamang ng napakalakas na ekonomiya ng bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.