Dahil sa pagsisikip ng New Bilibid Prison (NBP), nasa 250 mga bilanggo nito ang inilipat papuntang Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) chief Ronald dela Rosa, ang mga naturang bilanggo ay mga reformed inmates mula sa maximum security compound ng Bilibid.
Dagdag pa nito, maigi nilang tutukan ang mga nakakulong na drug offender na hanggang sa ngayon ay patuloy na kumikilos para sa drug operation.
Pagtitiyak pa ni dela Rosa, mananatiling nakapiit sa loob ng Bilibid at binabantayan ng Special Action Force (SAF) ang mga high profile inmates.
Ayon pa kay dela Rosa, magandang lugar para sa mga inmate ang Palawan dahil mas maraming oportunidad na bukas sa nasabing lugar. Bukod pa aniya ito sa mga reform programs, rehabilitation programs, at agricultural activities.
Hunyo ngayong taon nang naunang ilipat ang nasa 500 inmate mula Bilibid sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro.
Umaasa ang BuCor na bago matapos ang taon ay malilipat ang 5,000 mga inmates sa iba pang penitentiaries.
Batay sa datos, 18,000 mga bilanggo ang kasalukuyang nasa loob ng Bilibid na mayroon lamang capacity na 5,000 mga bilanggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.