Apela ng DOJ sa kaso ng P6.4B shipment ibinasura ng korte
Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na ibinasura ng Valenzuela Regional Trial Court (RTC) ang kanilang apela sa kaso na may kaugnayan sa P6.4 billion na shabu shipment.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra nakarating na sa kanila ang impormasyon sa naging pasya ng Valenzuela RTC Branch 284.
Sa nasabing desisyon, pinagtibay ng korte ang nauna nitong pasya na nagbabasura sa mga kaso laban sa siyam na kataong sangkot sa shipment ng P6.4 billion na illegal drugs galing China.
Ayon sa korte, wala namang bagong isyu na naiprisinta ang DOJ na maaring makapagbaligtad sa kanilang naunang desisyon.
Sa pasya ni Valenzuela RTC Branch 284 Presiding Judge Arthur Melicor noong April 2018, ibinasura nito ang mga kaso laban sa Chinese businessman na si Chen Julong alyas Richard Tan, Customs brokers Mark Taguba at Teejay Marcellana. Gayundin sa mga kapwa nila akusado na sina Li Guang Feng alyas Manny Li; Dong Yi Shen Xi alyas Kenneth Dong; import company owner Eirene Mae Tatad; Taiwanese businessmen Chen I-Min; Jhu Ming Jhun at Chen Rong Huan.
Ayon naman kay Guevarra, iaakyat nila sa Court of Appeals ang kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.