Nananawagan ang pamunuan ng Manila North Cemetery sa mga pulitiko na iwasang gamitin ang panahon ng Undas para makapangampanya.
Batay sa Memorandum na inilabas ng Manila City Hall, mariing ipagbabawal sa loob ng mga sementeryo sa lungsod ang mga tarpaulin, banner, streamer at iba pang uri ng mga matatawag na campaign materials. Ayon naman kay Daniel Tan, administrator ng Manila North Cemetery, bagamat hindi nila mapipigilan ang mga pulitiko na magtungo sa mga libingan, hindi naman dapat gamitin ng mga ito ang okasyon para mangampanya.
Ang Undas aniya ay nakalaan para sa paggunita ng alaala ng mga yumaong mahal sa buhay at hindi ito dapat samantalahin ng mga nais tumakbo sa susunod na eleksyon upang makakalap ng boto.
Dahil dito, hindi aniya maaring magpasok ng anumang uri ng campaign materials ang mga pulitiko ay maging ang kanilang mga taga-suporta.
May ilan din aniyang mga pulitiko na magtatangkang magbigay ng mga promotional campaign materials tulad ng tubig at mga tent, ngunit hindi nila ito papayagan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.