OFWs maaari nang mag-apply ng Social Security Number on-line
Kahit nasa labas ng bansa ay maaari nang mag-apply ng Social Security System (SSS) membership number ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa pamamagitan ng SSS Website (www.sss.gov.ph) para masimulan ang pag-iipon para sa pag-reretiro.
Ayon kay Judy Frances See, SSS Senior Vice President ng Accounts Management Group at Concurrent Head ng International Operations Division, ang on-line issuance ng social security o “SSS” number para sa mga OFWs, pati na rin sa iba pang mga empleyado, ay bahagi sa website enhancements na ipinapatupad ng ahensya.
“Noon, kailangang personal na pumunta ang mga empleyado sa anumang sangay ng SS para personal na mag-apply ng kanilang SS number kaya hirap ang OFWs na makakuha ng SS number bago umalis ng bansa. Nawawalan sila ng pagkakataong mag-ipon at paghandaan ang kanilang pagreretiro habang nagta-trabaho sa ibang bansa. Ang online issuance ng SS number ang siyang sagot sa problemang ito,” sabi ni See.Ang nakuhang SS number mula sa online facility ay maaari na ring gamitin para magbayad ng kontribusyon. Bilang ispesyal na konsiderasyon, may extended payment deadlines na inilaan ng SSS para sa mga OFWs.
Maaaring bayaran ng OFWs ang kanilang kontribusyon mula Enero hanggang Disyembre anumang araw sa loob ng taong kasalukuyan. Samantala, ang kontribusyon mula Oktubre hanggang Disyembre ng taong kasalukuyan ay tatanggapin hanggang January 31 ng susunod na taon.”Maaari ring gamitin ng mga OFWs ang kanilang SS number para sumali sa Flexi-Fund Program ng SSS. Ito ay isang voluntary provident fund para sa mga miyembrong OFW na nagbabayad ng kanilang buwanang kontribusyon batay sa kanilang idineklarang buwanang kita na hindi bababa ng P16,000. Ang Flexi-Fund savings ay karagdagang paraan para makapag-ipon sa kinabukasan maliban sa regular na programa ng SSS,” dagdag ni See.
Anumang halaga na hindi bababa sa P200 na sobra sa ibinayad para sa buwanang SSS contribution ay awtomatikong mapupunta sa Flexi-Fund savings. Halos 47,000 OFWs ngayon ay may aktibong SSS Flexi-Fund accounts at ang kanilang kabuuang ipon o member’s equity ay umaabot sa P508 milyon.
Ayon pa kay See, ang pagkuha ng SS number online ay may dalawang bahagi. Sa unang bahagi, kailangang ilagay ng OFW ang kanyang kumpletong pangalan, araw ng kapanganakan at email address. Titiyakin ng web system kung wala pang SS number ang nag-apply na OFW at ipapadala sa kanyang email address ang resulta ng beripikasyon.”Kapag pumasa sa unang bahagi ng aplikasyon, hihingin ng web system ang iba pang personal na detalye ng aplikante katulad ng pangalan ng mga bepisyaryo, tirahan, civil status at contact information. Pagkatapos ay ipapadala sa email address ng OFW ang kasagutan,” ani See.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.