Airport officials may pagkukulang sa mga naapektuhang pasahero — Senador Poe

By Jan Escosio August 30, 2018 - 02:54 AM

Sinabi ni Senador Grace Poe na nagkaroon ng pagkukulang ang mga airport at airline authorities kaya’t libo-libong pasahero ang naapektuhan ng pagsadsad ng eroplano ng Xiamen Airlines sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) primary runway.

Sa limang oras na pagdinig ng Committee on Public Services na pinamumunuan ni Poe, sinabi ng senadora na hindi rin maitatanggi ang mga leksyon na natutuhan sa insidente noong Agosto 17.

Aniya lumitaw ang mga butas sa naging hakbang ng mga opisyal sa usapin ng kapakanan ng mga pasahero.

Pinuna din ng senadora ang hindi paglutang ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade sa airport para pamunuan ng crisis committee.

Sa pagsimula ng pagdinig, humingi na ng paumanhin si Tugade sa perwisyong idinulot ng aksidente.

Ayon pa kay Tugade dumami ang stranded passengers dahil mas pinili nilang manatili sa airport sa pag-aakalang makakaalis sila kapag natanggal na ang bumarang eroplano sa runway.

Kinuwestiyon nina Senador Dick Gordon at Senador Joel Villanueva ang hindi paggamit sa Subic International Airport bukod sa Clark International Airport.

Samantala, naging matipid pa rin ang pamunuan ng Xiamen Airlines sa kanilang posisyon ukol sa aksidente, bagaman nangako muli na sasagutin nila ang danyos na nilikha ng aksidente.

Sinabi ni Poe na kailangan pa ng isa pang pagdinig para kanilang matimbang ng husto ang mga impormasyon kung saan nila ibabase ang gagawin nilang rekomendasyon.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.