Ipinagkibit-balikat lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hamon ni Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Maria Sison na magpa-medical check-up para maisapubiko na rin niya ang kanyang health records.
Sa ambush interview sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, sinabi ng pangulo na pagod na siyang makinig sa mga buladas ni Sison.
Wala na aniyang ibang ginawa si Sison kundi ang magbantay sa sakit ng ibang tao at kung sino ang namamatay.
Iginiit pa ng pangulo na wala nang idolohiya si Sison.
Nauna na ring sinabi ng pangulo na maraming sakit si Sison pero hindi rin niya ito inaamin sa publiko tulad na lamang ng kanyang colon cancer.
“I am tired of listening to Maria… Look at how… Wala na siyang ideology. Sige siya bantay doon sa mga sakit ng tao…at kung sino ang mga namatay”, dagdag pa ng pangulo.
Matatandaang uminit ang palitan ng maanghang na salita sa pagitan nang dalawa makaraang sabihin ni Sison na comatose na ang pangulo bagay na pinabulaanan ng punong ehekutibo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.