NFA pinagpapaliwanag ng Malakanyang sa mga bigas na nagkabukbok
Hindi kuntento ang Malakanyang sa paliwanag ng National Food Authority o NFA na may remedyo pa ang bukbok sa bigas na inangkat ng gobyerno sa ibang bansa.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na bagamat nakausap na ng NFA si Pangulong Rodrigo Duterte, marami pa rin itong dapat ipaliwanag kung bakit umabot sa puntong nagkabukbok ang mga inangkat nitong bigas.
Una nang ipinaliwanag ng NFA na binukbok ang bigas dahil hindi agad nadiskarga mga ito mula sa barko at ito ay pananagutan pa rin ng nagbenta.
Iginiit din nito na ligtas pa ring kainin ang nasabing bigas basta pausukan lamang para mawala ang bukbok.
Pero ayon kay Roque hindi katanggap-tanggap ang palusot ng NFA at sinabihan hindi na dapat maulit ang nasabing insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.